Irerekomenda ni House Committe on Appropriations Chair Elizaldy Co na ilipat sa line agencies gaya ng DSWD at DEPED ang pondo para sa social service ng Office of the Vice President.
Ito ay sa gitna na rin ng posibleng hindi tamang paggamit ng pondo hindi ng OVP at ng DEPED salig na rin sa inilabas na notice of disallowance ng Commission on Audit sa 2023 annual audit report nito.
Maging ang ibang mga mambabatas suportado ang paglilipat ng mga socio-economic projects ng OVP sa mga line agencies upang maiwasan ang pag-uulit ng programa na ibinibigay na ng line agencies.
Halimbawa nito ang medical at burial program, libreng sakay program, kalusugan food truck, disaster operations, magnegoso ta day at pagbaBAGo na maaaring ipasok na sa programa ng Philhealth, SSS, GSIS, DSWD, DTI, DEPED o kahit mga LGU.
Una naman nang sinabi ng bise presidente na ipinauubaya niya sa wisdom at desisyon ng komite ang magiging budget ng tanggapan para sa susunod na taon.
Sa mosyon naman ni Appropriations vice-chair Jil Bongalo, tinapos na ng komite ang pagtalakay sa panukalang pondo ng tanggapan ng pangalawang pangulo sa kundisyon na ito ay bawasan o kaya’y i-hold ang ilan sa mga pondo hanggang sa mas matalakay pa sa plenaryo.
Ibig sabihin bubuoin na ng committee on appropriation ang general appropriations bills na siyang pagdedebatehan sa plenaryo ng kamara.| ulat ni Kathleen Forbes