Hindi iniaalis ng National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na tumayong testigo rin laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang mga kapwa akusado nitong sumuko sa NBI.
Kabilang dito ang mga sumuko mula sa Zun Yuan Corporation na sinasabing bogus corporation ng sinibak na alkalde.
Paliwanag ni Director Jaime Santiago, posible namang maging testigo ang mga ito pero depende sa bigat ng hawak nilang impormasyon.
Hukom na rin aniya ang magdedesisyon sa bagay na ito dahil kailangang mapatunayan na hindi kasama sa pangunahing maysala o “least guilty.”
Nasa kustodiya sa ngayon ng NBI ang mga sumukong kapwa akusado ni Guo sa kasong ‘human trafficking’.
Hinihintay na lang nito ang Commitment Order sa korte kung saan madedetine ang mga ito habang dinidinig ang kaso. | ulat ni Merry Ann Bastasa