Nakipagpulong muli si Caloocan Mayor Along Malapitan sa mga department head sa lungsod upang talakayin ang mga preventive measures o mga hakbang kontra mpox o monkeypox virus.
Ayon sa alkalde, patuloy na pangungunahan ng City Health Department at ng City Disaster Risk Reduction and Management Department ang Mpox Task Force.
Muli ring maglalagay ng temperature scanner sa mga entrance ng city hall kaya nakiusap ang LGU na kung may lagnat o may sintomas ng mpox, ay iwasan na po ang paglabas ng bahay at kaagad na tumawag sa ating mpox hotline upang magabayan sa mga kailangang gawin.
Kasama pa sa plano ng LGU ang pagtatatag ng mpox forum kasama ng mga kapitan at mga may-ari ng iba’t ibang negosyo sa Caloocan upang makatuwang sila sa paglaban sa sakit na ito.
Patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente na palaging maghugas ng kamay, iwasan ang direktang pakikipag-ugnayan sa may mga sintomas o pantal dulot ng nasabing sakit, gumamit ng mask at gloves, lalo na kung mag-aalaga ng may sakit at panatilihin ang kalinisan ng kapaligiran upang maiwasan ang pagkahawa ng sakit na mpox. | ulat ni Merry Ann Bastasa