Huli sa akto ang isang pribadong sasakyan na umano’y naka-convoy sa isang ambulansya matapos itong dumaan sa Guadalupe Station Southbound ng EDSA Busway kaninang umaga.
Ayon sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), sinundan umano ng ginang na sakay ng pribadong sasakyan ang isang ambulansya kung saan nakasakay ang kanyang ina.
Nang parahin ng mga tauhan ng SAICT, imbes na magpaticket at magbigay-daan,tumanggi ang driver na itabi ang sasakyan, na naging sanhi ng pagbibigat ng trapiko sa busway.
Sa aktwal na video na kuha ng SAICT, makikita ang mainit na palitan ng ginang at mga tauhan ng SAICT. Matapos ang mahabang diskusyon, inisyuhan ang driver ng Temporary Operator’s Permit (TOP) para sa Disregarding Traffic Sign (DTS) at reckless driving.
Paalala ng SAICT, na ang EDSA Busway ay eksklusibo lamang para sa mga bus, ambulansya, at iba pang emergency vehicles. Ang paggamit nito ng mga pribadong sasakyan ay mahigpit na ipinagbabawal at may kaukulang multa.| ulat ni Diane Lear