Binigyang-diin ni Finance Secretary Ralph Recto sa isang pahayag na nananatili ang pribadong sektor bilang haligi ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ito ng DOF Chief matapos lumabas ang pinakahuling ulat ng Labor Force Survey kung saan sinabi nito na sa bawat isang trabaho sa gobyerno ay may anim na trabaho namang katumbas ito sa pribadong sektor.
Sa kaparehong survey rin naitala ang ang tumataas na employment rate ng bansa na maiuugnay naman umano sa bumabagal na inflation rate na mabuti rin sa pagnenegosyo.
Upang mapanatili naman ang paglago ng ekonomiya, patuloy namang ipinapatupad ng gobyerno ang iba’t ibang polisiya tulad ng mga batas sa economic liberalization, Public-Private Partnership (PPP) Code, at CREATE Act. Layon ng mga inisyatibong ito na makakuha ng mas maraming pamumuhunan, magpalakas ng job creation, at mabawasan ang kahirapan.
Kasabay nito, ang Build Better More program na magbibigay din ng trabaho sa construction at technical fields habang patuloy na binibigyang-pansin ng gobyerno ang human capital development. | ulat ni EJ Lazaro