Posibleng hindi na mapalawig pa ang umiiral na price freeze sa Metro Manila ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay DTI Asec. on Fair Trade Group Atty. Agaton Teodoro O. Uvero, hindi naman na naextend ang State of Calamity sa Metro Manila na batayan nito sa pagpapatupad ng price freeze.
Ngayong araw, nagkasa ng price monitoring sa Farmers Market at isang Grocery sa Cubao, QC sina DTI Sec. Ma. Cristina A. Roque, at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ayon sa kalihim, maayos naman ang compliance ng mga negosyante sa umiiral na price freeze at wala itong nakitang paglabag sa QC.
Katunayan, may ilang produkto ang mas bumaba pa ang presyo gaya ng bigas.
Tiniyak naman ng DTI ang tuloy tuloy na pagiikot nito sa mga pamilihan bilang bahagi na rin ng kampanyang ‘Sweeptember’ na layong tiyakin ang abot-kayang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng mga tumamang kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa