Certified as urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang Pambansang Budget para sa susunod na taon.
Kinumpirma ito ni Acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na kung saan ay nagpadala ng liham ang Palasyo kaugnay nito sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez kahapon, September 24.
Nakasaad sa liham na may kalakip na lagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagsertipika para sa mabilis na pagsasabatas ng House Bill 10800.
Ipinunto ng Malacañang sa ginawa nitong hakbang ay upang masigurong hindi magkakaroon ng pagkaantala sa operasyon ng pamahalaan at masigurong mapopondohan ang mga gagawing mahahalagang inisyatibo ng gobyerno.
Napag-alaman na umaabot sa ₱6.352 trilyong piso ang panukalang Pambansang Pondo para sa 2025. | ulat ni Alvin Baltazar