Nasa plano na ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lagyan ng pirma ang mga National Identification (ID) card na ipapamahagi sa mga Pilipino.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng National Economic and Development Authority (NEDA) natanong ni Senador Grace Poe kung paanong tutugunan ng PSA ang reklamo ng ilan na hindi tinatanggap ng ilang establisimyento, kabilang na ang mga bangko, ang kanilang National ID dahil wala itong pirma.
Ayon kay PSA Chief Dennis Mapa, ngayong naghahanap na sila ng bagong mag-iimprenta ng mga National ID card ay isasama nila sa bagong format ang paglalagay ng pirma.
Para naman sa mga una nang nakakuha ng National ID cards na walang pirma, sinabi ni Mapa na may opsyon naman na ipa-update ang kanilang mga ID.
Gayunpaman, sa ngayon ay hindi pa tiyak ng opisyal kung papatawan ng bayad ang pagpapa-update ng National ID.
Tutol naman si Poe sa paniningil ng bayad kung ang pagpapa-update ay para magkaroon ng pirma ang National ID ng isang indibidwal dahil hindi naman ito kasalanan ng card holder.
Aniya, maaaring ikonsidera ang minimal fee kung kasama sa pagpapa-update ang pagbabago ng ilang personal information gaya ng address.
Sa ngayon, sa 55 million physical National ID cards na na-print mula sa dating service provider ng BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas) na AllCard Inc., 53.5 million na dito ang nai-deliver na, habang dalawang milyon ang ide-deliver pa lang.
Mayroon na ring naibigay ang PSA na 46 million e-PhilID o yung nasa paper form, habang 18 million naman ang digital National IDs na naibigay na. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion