Umabot na ng higit 90 milyong Pilipino ang nairehistro ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa National ID System.
Hanggang Setyembre 19, 2024, pumalo sa 90,017,181 o 97.8% ng 92 million target registrations ang naitala ngayong taon.
Ayon kay PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, National Statistician at Civil Registrar General, tuloy-tuloy pa ang pagpaparehistro pati ang mga batang may edad 1 hanggang 4 na taon.
Huling pinaigting ang pagpaparehistro ng PSA sa Barangay Canlapwas, Catbalogan City, Barangay Lambao, Santa Margarita sa Samar.
Nagsagawa din ng house to house registration sa Barangay Domalandan Center, Lingayen, Pangasinan, Sumisip, Basilan, Barangay Guiwanon sa Nueva Valencia, Guimaras at maging sa Batasan Hills, Quezon City. | ulat ni Rey Ferrer