Tuluyan nang ipina-contempt ng House Quad Committee si Police Master Sergeant Arthur “Art” Narsolis, na isinasangkot sa pagpatay ng tatlong Chinese drug lord sa loob ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Si Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel, ang nagmosyon para ipa-contempt si Narsolis dahil sa paglabag sa Section 11(a) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Sa kabila kasi ng makailang ulit na imbitasyon na dumalo sa pagdinig ay hindi ito sumipot.
Sakaling maaresto na si Narsolis ay madedetine ito hanggang sa matapos ang imbestigasyon ng komite.
Batay sa salaysay ng inmate na si Leopoldo Tan Jr., nilapitan siya ni Narsolis noong July 16 para kunin na pumatay sa naturang Chinese drug lords at sinabing may basbas ng matataas na opisyal at may pabuya pang P1 milyon kada ulo.
Idinawit din ni Tan si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma, na noo’y nasa Criminal Investigation and Detection Group ng Davao, sa pagpatay.
Ani Tan, isa si Garma sa mga boss ni Narsolis.
Dumalo si Garma sa ika-limang pulong ng Quad Committee matapos magbigay ng huling babala si lead Chair Robert Ace Barbers na kung hindi pa rin siya dadalo ay ipapa-contempt na rin siya ng komite. | ulat ni Kathleen Forbes