Inilunsad ng Polytechnic University of the Philippines Open University System (PUPOUS) ang isang makabagong inisyatiba na nag-aalok ng higher education program para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Manila City Jail.
Tinatayang nasa 72 PDL mula sa Manila City Jail Male Dormitory ang naka-enroll sa kursong Bachelor of Science in Business Administration na may espesyalisasyon sa Marketing Management. Ito ay kasunod ng kasunduang nilagdaan noong Hulyo sa pagitan ng Manila City Jail at PUPOUS upang magbigay ng tertiary education para sa mga PDL.
Ayon kay PUP President Dr. Manuel Muhi, bahagi ang proyektong ito ng kanilang Education-On-Wheels program na tinawag ni Dr. Muhi na “a place for second chances,” para sa maraming Pilipino na nagsisigasig sa paghahanap ng kanilang katayuan sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
Sa pamamagitan rin ng blended learning approach ng nasabing programa, ayon sa PUPOUS, ay maima-maximize ang kapangyarihan ng teknolohiya sa pagbibigay ng de-kalidad at accessible na edukasyon para sa mga PDL, gayundin ang pantay na oportunidad anuman ang pinagmulan ng isang indibiwal. | ulat ni EJ Lazaro