Umarangkada na ang libreng gamutan sa iba’t ibang barangay sa Quezon City matapos ang pananalasa ni Bagyong Enteng at Habagat.
Ang serbisyong gamutan ay inisyatiba ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto.
Sa isinagawang Medical Mission sa Barangay Batasan Hills, katuwang ng Quezon City Health Department ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCI).
Isinagawa ito upang masuri ang mga residente at matiyak na ligtas sa anumang karamdaman pagkatapos ang mga pag-ulan at pagbaha sa naturang barangay.
Pagtitiyak pa ng Bise Alkalde na magpapatuloy ang libreng gamutan sa iba pang barangay sa mga susunod na araw. | ulat ni Rey Ferrer