Napag-uusapan ng House Quad Committee members ang posibilidad na lumipad ng Thailand para makausap ang nagpakilalang Chinese spy na si She Zhijang.
Ayon kay Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers, hindi nila isinasantabi na pumunta sa Thailand para mabusisi kung ang kaniyang impormasyon na espiya rin si Alice Guo ay totoo o hindi.
Giit niya, na kailangan ng mas malalimang imbestigasyon sa naturang isyu lalo na mula sa mga ahensya ng pamahalaan na mas nakakaalam ukol sa usapin.
Gayunman, aminado si Barbers na posibleng hindi rin sila pagbigyan ng Thai authorities na harapin si She dahil may ginagawa rin silang sariling imbestigasyon
Ngunit, maaari naman na ang ating Philippine National Police, Department of Justice o kaya opisyal ng embahada ang makipag usap sa kanilang counterparts.
“…siguro humingi ng mga dokumento na nasa kanila kung sila’y mag bibigay. But I doubt na papayagan tayo diyaan because I’m sure ongoing pa rin ang kanilang investigation.” dagdag niya
Matatandaan na sa nakaraang pagdinig ng quad comm, ipinalabas ang dokumentaryo ng Al Jazeera kung saan ipinakita ang ilang dossier ng mga state security agent.
Isa rito si Guo Hua Ping na ang larawan ay may pagkakahawig kay Alice Guo. | ulat ni Kathleen Forbes