QuadComm, may huling warning para kay dating PCSO GM Royina Garma na dumalo sa kanilang pagdinig

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinaalalahanan ni House Quad Committee Lead Chair Robert Ace Barbers si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na dumalo sa susunod na hearing ng komite.

Ayon kay Barbers ito na ang huling warning nila kay Garma, na isa ring dating pulis, na dumalo sa kanilang pagdinig o maaaring maharap sa pag-aresto.

Giit niya, mahalaga na humarap si Garma upang bigyang linaw ang nangyari sa Davao Penal Farm kung saan may tatlong Chinese drug lords ang pinatay.

Pagkakataon din aniya ito para malinis ni Garma ang kaniyang pangalan dahil sa idinadawit siya sa insidente na ginamit umano ang kanyang posisyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa umano’y targeted killings.

Mariin naman itinanggi ni QuadComm Co-Chair Dan Fernandez ang alegasyon ni Senador Ronald Dela Rosa na ang kanilang imbestigasyon ay idinikta ng mataas na mga opisyal gaya ng House Speaker.

“So kung i-accuse nila si Speaker (Ferdinand Martin Romualdez) na binuo namin ito or nangyari ito dahil sa utos ng Speaker, that is so unfair. And ako mismo, hindi ako papayag na gamitin ako para sa isang political agenda. After all, I’m not running for any higher position (sa national)…That’s the reason why nang binabanggit na may politika, may utos si Speaker, eh ako alam mo, 300 plus kaming mga congressmen do’n and they can never dictate on us,” diin ni Fernandez.

Ayon kay Fernandez napansin ng apat na komite ng QuadComm na pareho ang mga personalidad na sangkot sa kani-kanilang isyung iniimbestigahan.

Dito na aniya nila kinausap si Senior Deputy Speaker at Pampanga Representative Aurelio Gonzales na naghain ng resolusyon at nag-privilege speech para sa paglikha ng Quad Committee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us