Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na patuloy na isinusulong ng ahensya ang pagkakaroon ng mas marami pang plantilla position para sa kapakanan ng mga empleyado.
Partikular na tinukoy nito ang mga empleyadong nasa ilalim ng contract of service (COS), job orders (Jos), at mga matagal ng nagtatrabaho sa DSWD.
Paliwanag ni Secretary Gatchalian, nakapagsumite na ang ahensya ng three-year plan sa Department of Budget and Management para sa regularisasyon sa trabaho ng COS at JO personnel.
Kabilang aniya sa binibigyang konsiderasyon dito ay ang haba ng serbisyo ng isang empleyado sa ilalim ng COS at JO positions.
Sabi pa ni Gatchalian, sisimulan ng ahensya sa gradual transition ang mga COS at JO personnel, para mailagay ito sa mas stable position tulad ng ginawa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) personnel, na karamihan ay mga contractual employee. | ulat ni Rey Ferrer