Inaasahang ilalabas ang resulta ng 2024 Bar Examinations sa unang bahagi ng Disyembre ngayong taon, ayon kay Associate Justice Mario V. Lopez, Tagapangulo ng 2024 Bar, habang nakatakda naman ang oath-taking at pagpirma sa Roll of Attorneys sa Enero 24, ng susunod na taon.
Ayon kay Justice Lopez, isa sa mga mahalagang salik na nagpabilis sa checking process ng Bar ngayong taon ay ang kanilang digitalization efforts.
Gamit ang Examplify software at mga secure na testing platforms, tuluyan nang ginawang digital ang pamamaraan ng pagsasagawa ng pagsusulit mula sa tradisyunal na pen and paper test.
Sa pamamagitan daw ng sistemang ito ay maiiwasan ang pag-access sa mga external file habang isinasagawa ang exam at iniiwasan ang mga problema sa mga hindi mabasang sulat-kamay.
Dagdag pa rito, ang paggamit din ng multiple examiners para sa bawat paksa ay higit na magpapabilis sa nasabing proseso.
Ngayong taon, umabot sa higit 10,400 ang nakakuha ng pagsusulit upang maging susunod na mga abogado ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro