Nagpasalamat si Rizal Rep. Fidel Nograles sa mga kasamahang senador sa pag-apruba ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP).
Dahil dito, umaasa si Nograles na mai-aakyat na ang panukala sa tanggapan ng Pangulo at kagyat na maisabatas.
Aniya, sa pamamagitan ng panukalang ito ay matutulungan ang mga undergraduate professionals na makakuha ng bachelor’s degree sa pamamagitan ng alternatibong college-level education program.
“Nagpapasalamat tayo sa ating mga counterpart sa Senado sa pagpasa ng panukalang batas na ito. Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay pipirmahan na ito ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., upang makinabang ang mga empleyadong walang diploma na makakuha nito at magkaroon ng pagkakataon na ma-promote sa trabaho,” saad ni Nograles.
Paalala ng mambabatas, dahil sa kahirapan at iba pang dahilan, marami sa mga kababayan natin ang pinipiling mag-trabaho na agad pagkatapos ng high school.
Kaya naman sa pamamagitan ng ETEEAP ay mabibigyang daan ang mga empleyado na ito ang pagkamit ng naudlot na pangarap na magka-diploma at magkaroon ng mas magandang posisyon sa kanilang trabaho.
Para maging kwalipikado sa ETEEAP, ang aplikante ay kailangan na maging Filipino citizen, hindi baba sa 23 taong gulang ang edad at may hindi bababa sa limang taong aggregate work experience. | ulat ni Kathleen Forbes