Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ligtas ang seguridad ng apat na akusado sa kasong human trafficking sa loob ng Pasig City Jail.
Ayon kay Jail Superintendent Jayrex Bustinera, matapos isalang sa proseso ng BJMP, inihalo sa mga regular na Person Deprive of Liberty (PDL) ang mga kapwa akusado ni KOJC Founder Pastor Apollo Quiboloy.
Kabilang dito sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemane.
Paliwanag ni Bustinera, puno na ang Pasig City Jail kaya hiwa-hiwalay na inihalo ang mga ito sa iba pang detainees.
Tiniyak din ni Bustinera na walang matatanggap na VIP Treatment ang mga akusado at ituturing silang regular na detainee.| ulat ni Rey Ferrer