Pinamamadali ni Senate President Chiz Escudero kay Bureau of Immigration (BI) office in charge Atty. Joel Anthony Viado ang pagbibigay ng reimbursement sa mga na-offload na pasahero ng mga eroplano.
Binigyang diin ng Senate president na may special provision sa ilalim ng 2024 national budget na nagmamandato na ma-reimburse ang pamasahe ng mga pasahero na naiwan ng kanilang mga flight dahil sa mahabang interrogation ng mga immigration personnel.
Huhugutin ang pondo para dito mula sa unutilized collection ng BI na binalik sa Bureau of Treasury.
Sa kabila nito, ipinunto ni Escudero na hanggang ngayon ay wala pa ring panuntunan o guidelines sa pagpapatupad ng reimbursement kaya naman wala pang offloaded passenger na nakakuha ng reimbursement
Nagpaalala ang Senate na tatanungin niyang muli ang isyung ito sa plenary deliberation ng panukalang 2025 budget ng BI.
Una nang ibinahagi ng BI na nitong unang bahagi ng 2024 ay nasa 16,617 na ang bilang ng mga offloaded passengers. | ulat ni Nimfa Asuncion