Plano ni Senador Sherwin Gatchalian na maghain ng resolusyon para imbestigahan ang kabiguan ng mga bangko na sitahin at usisain ang financial transactions na maaaring nagbigay-daan sa pagtatatag ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nauugnay sa mga kriminal na aktibidad sa bansa.
Giniit ni Gatchalian na ang money laundering ang pinakamalaking krimen na ginawa ng mga POGO na ni-raid ng mga awtoridad.
Inihalimbawa ng senador, ang mga kumpanyang pag-aari ni dating Mayor Alice Guo, na sangkot sa bank transactions na nagkakahalaga ng daang daang milyong piso at maaaring nagbigay-daan sa pagpapatayo ng POGO sa Bamban.
Aniya, kung sumunod ang mga bangko sa mga iniaatas ng batas laban sa money laundering ay dapat naiwasan na ito sa simula pa lang.
Sinabi ng senador na kung susuriin ang mga financial statement ng mga negosyong nauugnay sa mga Guo, kasama ang kanilang mga tax return, hindi matutunton kung saan nanggaling ang mga pera.
Kaya naman malinaw aniya itong isang kaso ng money laundering.
Bukod sa POGO sa Bamban, tinitingnan din ng AMLC ang ilang compliance issues na may kaugnayan sa Porac POGO hub.| ulat ni Nimfa Asuncion