‘Dead end’ nang maituturing para kay dating Mayor Alice Guo ang pagkakahuli sa kanya ng mga awtoridad.
Ito ang dahilan ayon kay Senador Sherwin Gatchalian kaya dapat na itong magsabi ng katotohanan tungkol sa iniimbestigahang operasyon ng mga POGO at mga iligal na aktibidad na idinidikit dito.
Sinabi ni Gatchalian na mananatili ang dating alkalde sa detention ng Senado hangga’t magsabi ito ng katotohanan at pangalanan kung sino sino pa ang kanyang mga kasabwat.
Nagbanta pa ang mambabatas na maaari nilang ipalipat sa totoong kulungan si guo kung hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon ng Senado.
Pwede rin aniyang hindi muna palayain ng Senado si Guo hangga’t walang nailalabas na hold departure order (HDO) laban dito.
Sa ngayon, giniit ni Gatchalian na mahalagang umusad na ang mga kasong kinakaharap ni dating Mayor Alice para makapaglabas na rin ng HDO laban sa kanya.
Sa pamamagitan nito ay masisiguro nang hindi na ito muling makakalabas ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion