Nanawagan si Senate Committee on Ways and Means Chairperson Senador Sherwin Gatchalian na dapat magkaroon ng coordinated effort sa pagitan ng law enforcement agencies, PAGCOR, at mga lokal na pamahalaan para tuluyan nang matigil ang iligal na aktibidad ng mga POGO.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pagkaka-raid kamakailan ng isang POGO hub sa Cebu.
Giit ni Gatchalian, ang presensya ng mga dating POGO employee mula Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga sa na-raid na POGO sa Cebu ay nagpapakita lang na kailangan pa ng malalimang imbestigasyon sa isyu.
Sa kabila kasi aniya ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na POGO ban ay may ilang POGO operators at agents pa rin ang ang patuloy na lumalabag sa batas sa pamamagitan ng paglilipat ng kanilang mga aktibidad sa ibang lugar.
Kaya naman, binigyang-diin ng mambabatas na kailangan pa ng mas mahigpit na pagpapatupad at mas komprehensibong hakbang para masigurong permanente nang ititigil ang lahat ng POGO operations sa buong bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion