Iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na dapat pang imbestigahan ng gobyerno, partikular ng Department of Justice (DOJ), kung sino ang mga sangkot sa pagpapalabas sa Pilipinas ni dating Mayor Alice Guo.
Ayon kay Estrada, hindi lang dapat matigil sa pagsibak kay dating BI Commissioner Norman Tansingco ang hakbang ng gobyerno.
Hindi naniniwala ang senador na walang kasabwat na pilipino sina Guo sa paglabas ng bansa.
May posibilidad pa nga aniyang may government employee o official na tumulong kina Guo.
Sinabi ni Estrada na hindi naman magagawa ng mga dayuhan na sila-sila lang na makapuslit palabas ng bansa nang walang clearances mula sa BI, Philippine Coast Guard (PCG) o sa Philippine National Police (PNP).
Matatandaang sa kanyang naging pahayag sa Senate hearing kahapon, sinabi ni Guo na walang Pilipinong tumulong sa kanila na makalabas ng Pilipinas.
Isang dayuhan aniya ang nag-facilitate ng kanyang paglabas ng Pilipinas gamit ang isang pribadong yate habang may kasama rin silang isang dayuhang babae sa pagbiyahe palabas ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion