Hinikayat ni Senadora Grace Poe ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Philippine Statistics Authority (PSA) na ilatag ang plano para matiyak na magiging tuloy-tuloy pa rin ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga National ID.
Ito ay sa kabila ng legal issue na kinakaharap ngayon sa private supplier na kinuha ng BSP.
Una nang pinawalang bisa ng BSP ang kontrata nito sa kumpanyang AllCard samantalang naglabas naman ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) ng desisyon para pigilin ang termination ng kontrata.
Ayon kay Poe, dapat ipaliwanag ng BSP kung ano ang totoo at ano talaga ang naging problema nila sa AllCard.
Sa kabila ng mga isyung ito, giniit ng senadora na dapat ay tuloy-tuloy ang printing ng mga National ID dahil matagal na itong hinintay ng mga Pilipino at pondo ng taumbayan ang nakataya dito.
Tinanong rin ng senadora ang BSP na bigyang-linaw ang report na ang kinontrata nitong kumpanya para sa ID printing ay naka base sa Madras, India.
Kaugnay nito, balak ni Poe na ipatawag na ang BSP para makakuha ng diretso sagot mula sa ahensya.| ulat ni Nimfa Asuncion