Umapela si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na i-repatriate o pabalikin sa bansa sa lalong madaling panahon ang mas maraming Pilipino na nasa Lebanon.
Ito ay sa gitna ng nangyayaring kaguluhan at tensyon sa naturang bansa.
Iginiit ni Hontiveros na dapat may nakalatag nang contingency plan ang pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon doon.
Sinabi ng senador na sa ngayon ay dapat kumikilos at naghahanda na ang gobyerno para matiyak ang seguridad, kaligtasan, at kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Nanawagan rin si Hontiveros sa mga OFW na makipag-ugnayan sa mga embahada ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Sa parte aniya ng Senado ay titiyakin nilang magkakaroon ng livelihood assistance ang mga OFW na babalik sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion