Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, partikular na sa Pambansang Pulisya (PNP), Bureau of Immigration (BI), at Philippine Coast Guard (PCG) na maging alerto at mapagbantay sa mga personalidad na nababanggit sa kanilang pagdinig sa Senado kaugnay ng isyu nina dating Mayor Alice Guo.
Ayon kay Villanueva, hindi na dapat hayaang makatakas ang mga sangkot sa kasong ito.
Sinabi ng senador na dapat magsilbing aral na sa mga awtoridad ng bansa ang ginawa nina Guo na paglabas ng Pilipinas nang hindi agad nalalaman ng mga kinauukulan at nasa ibang bansa pa nadakip ang mga pugante.
Marami na rin aniyang natatanggap na impormasyon ang Senate panel at ayaw nilang ma-delay pa ang ginagawa nilang pagsisiyasat kung makakalabas na naman ng bansa ang mga taong sangkot.
Isa sa mga tinutukoy si Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay.
Una nang sinabi ni Justice Subcommittee Chairperson Senador Risa Hontiveros na pagkatapos ng ginawa nilang Executive Session ay naging malinaw ang koneksyon ng alkalde sa mga aktibidad ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa alkalde na dumalo na sa susunod nilang pagdinig at huwag tangkaing tumakas o lumabas ng bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion