Binigyang diin ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno para matugunan ang mga pangangailangan ng Sulu, na kamakailan lang ay ipinag-utos ng Korte Suprema na maihiwalay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Una nang iminungkahi ni Tolentino na bumuo ng Sulu Transition Fund at sa ngayon ay nakarating na ang panukalang ito sa Office of the President (OP) at sa Department of Budget and Management (DBM).
Tiniyak naman ni BARMM Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun kay Tolentino na patuloy na makatatanggap ng sweldo ang mga kawani ng rehiyon na nakabase sa Sulu, lalo’t nakapaloob na naman ito sa budget ng BARMM ngayong taon.
Ayon kay Pendatun, may pipirmahan lang silang document of undertaking para ipabatid ang posibleng implikasyon ng desisyon ng Korte Suprema.
Pinayuhan naman ni Tolentino si Pendatun na ipagbigay-alam ang mga ginagawang aksyon ng BARMM sa Commission on Audit (COA) para maiwasan ang anumang komplikasyon.| ulat ni Nimfa Asuncion