Hindi kumbinsido si Senate President Chiz Escudero sa pahayag ni dating Mayor Alice Guo na walang Pilipinong tumulong sa kanya na makalabas ng Pilipinas.
Posible pa nga aniyang may opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pagpapatakas sa kanya
Dahil dito, ikinagalak ni Escudero ang maagap na pag aksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng kanyang naging pahayag na ‘heads will roll’ o may mananagot sa usaping ito.
Sa kabilang banda, iginiit ng Senate leader na dapat ring managot sa batas ang mga dayuhang sinasabing tumulong kay Guo na makatakas, lalo na ang mga financier at boss ni Guo.
Hindi aniya dapat maging hadlang sa pagpapanagot sa kanila ang dahilang wala na umano sila dito sa Pilipinas.
Sinabi rin ni Escudero, na paniniwalaan lang niya ang claim ni Guo na may banta sa kanyang buhay kung magsasabi na ito ng buong katotohanan. | ulat ni Nimfa Asuncion