Nakipagpulong si Senate President Chiz Escudero kay Transportation Secretary Jaime Bautista at iba pang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) kahapon, para talakayin ang pagpapatupad ng public transport modernization program.
Ang pagpupulong na ito ay kasunod ng una nang pakikipagdiyalogo ni Escudero sa mga transport group na nakasunod na at hindi pa sa naturang programa.
Sa naging meeting sa DOTr officials, iginiit aniya ng senate president na hindi dapat saraduhan ng pinto ang mga tsuper at operator na hindi pa nakakasunod sa modernization program dahil nahihirapan sila.
Ipinunto rin ni Escudero, na hindi pa nakakapagdesisyon ang DOTr kung magkano ang ibabayad sa jeep na ipagpapalit ng drivers at operators sa modern jeep, at 11 percent pa lang din ng planong ruta ng modern jeep ang naaprubahan mula sa 71 percent ng mga lokal na pamahalaan na nagsumite ng plano.
Kaugnay nito, minungkahi ng senate president sa DOTr na pag-aralan ang posibilidad na payagan ang mga unconsolidated PUV groups na maging bahagi ng consolidation ng prangkisa, pero hindi dapat sila obligahin na sumapi sa kooperatiba. Gayundin ang gawing mahaba ang amortization period, at babaan ang interest rate para sa uutang ng pambili ng modern jeepney. | ulat ni Nimfa Asuncion
Photo: Senate President Chiz Escudero Facebook page