Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na ‘on time’ nilang maipapasa sa Senado ang panukalang 2025 National Budget.
Ito ay matapos maaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang ₱6.352 trillion 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Escudero, oras na matanggap nila mula sa Kamara ang 2025 GAB ay saka pa lang nila matutukoy ang magiging timeline para sa pagpapasa nito sa panig ng Senado.
Ipinunto ng senate president na mula Agosto naman ay nagsasagawa na ang Senate Committee on Finance ng mga pagdinig sa panukalang budget ng iba’t ibang ahensya at opisina ng pamahalaan.
Inaasahan ding magpapatuloy ang mga committee hearing sa proposed budget kahit ngayong naka-session break ang Senado.
Samantala, sinabi ni Escudero na naging mabunga ang ginawang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kahapon (September 25, 2024).
Kabilang aniya sa mga nabigyang linaw ang tungkol sa mga nakabinbin pang panukala gaya ng Department of Water Bill, amyenda sa EPIRA, amyenda sa Universal Health Care Law, at iba. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion