Nakipagpulong si Speaker Martin Romualdez sa 27 gobernador nitong Huwebes ng gabi upang hilingin ang kanilang tulong para sa whole-of-government approach na paglaban sa kahirapan at iba pang isyu.
Kasama rin sa pulong si Special Assistant to the President Sec. Anton Lagdameo.
Sa naturang pulong binigyang diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng ugnayan ng pamahalaang nasyunal sa lokal na pamahalaan sa pagkamit ng makabuluhang progreso sa pagtugon sa kahirapan at iba pang isyu.
Kasama na rito ang pagkamit sa target ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na ibaba sa single digit ang poverty rate sa pagtatapos ng kaniyang termino sa 2028.
“The problems we face – poverty, lack of infrastructure, health and education disparities – require the collective will and resources of the entire government. I am calling on all of you, our provincial governors, to be our partners in this whole-of-government approach. Let us help our beloved President to attain that goal, which means getting millions of Filipinos out of poverty,” aniya
Naniniwala si Speaker Romualdez na malaki ang ambag ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapababa ng mga presyo ng bilihin, pagpapalakas ng agricultural productivity, at maayos na paghahatid ng serbisyo sa mga komonidad.
Sa panig ni Lagdameo, nanawagan rin siya para sa kooperasyon kasabay ng pagkilala sa mahalagang papel ng provincial governors sa pagsiguro na matagumpay na naipapatupad ang mga programa.
Nagpasalamat naman ang mga gobernador sa pagkakataon na direktang ipaabot ang kanilang mga hinaing direkta kay Speaker Romualdez at Secretary Lagdameo. | ulat ni Kathleen Forbes