Hindi pinaboran ni Speaker Martin Romualdez ang panawagang zero budget para sa Office of the Vice President.
Ayon kay Romualdez, bilang Speaker, nauunawaan niya ang sentimyento ng ilang kasamahan sa Kongreso tungkol sa hindi pagdalo ng bise presidente sa mga deliberasyon ng plenaryo para sa badyet ng tanggapan sa taong 2025.
Dahil dito, may ilang miyembro ng Kongreso na nagmungkahi na bawasan pa ang badyet ng Office of the Vice President gaya ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na nais ibaba ang pondo sa P529 million.
Habang may iba na nagpanukala na gawing zero ang pondo.
Gayunman, naniniwala si Romualdez na mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na badyet ang OVP para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan.
“Kung tatanggalin natin ang pondo, wala ring pakinabang ang mga mamamayan, lalo na ang mga umaasa sa serbisyo ng opisina… mahalaga ang patuloy na serbisyo para sa kapakanan ng ating mga kababayan, at kailangan ng mga tanggapan katulad ng OVP ang sapat na pondo upang magawa ito,” sabi ni Speaker Romualdez.
Kaya naman, sa pakikipagkonsulta sa mga lider ng partido pulitikal mula sa Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP), Party-list Coalition Foundation, Inc., at iba pa, napagdesisyunan na panatilihin nag rekomendasyon ng Committee on Appropriations na paglaanan ng P733 milyon na budget ang OVP.
Kasama na dito ang P30 milyon na makakatulong sa pagharap ng OVP sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ang ilan sa mga pondo na orihinal na hiningi ng OVP na aabot ng P1.2 billion ay ilalagay mas angkop na programa gaya ng MAIFIP ng DOH na may halagang P646.580 million at AICS ng DSWD na may halagang P646.579 million
“Maaaring mag-refer si Vice President Duterte ng mga taong lumalapit sa kanyang tanggapan para sa kaukulang tulong sa nasabing mga ahensya,” dagdag ng House Speaker.
Ang naturang pondo ay isasalang pa rin sa period of amendments at pagbobotohan pa sa plenaryo bago isapinal at maaprubahan.| ulat ni Kathleen Forbes