Mahigit ₱650-milyon na ang tinatayang pinsala ng habagat na pinalakas ng bagyong Enteng sa sektor ng agrikultura.
Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply at matatag ang presyo ng bigas sa bansa at iba pang produktong pang-agrikultura.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa na maganda ang ani ng bigas nitong mga nakaraang buwan sa kabila ng El Niño at nasa 2.8 million metric tons ang dumating na imported na bigas.
Dagdag pa ni De Mesa, mayroon pa ring ibang lugar na mapagkukunan ng gulay lalo na ang mga lugar na hindi naapektuhan ng bagyo.
Kaya naman, wala aniyang dapat ipangamba ang bansa pagdating sa supply at presyo ng pagkain.
Tiniyak din ng DA na sila ay maghahatid ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng bagyong Enteng. | ulat ni Diane Lear