Asahan na ang mga tagpo at sitwasyong malapit sa katotohanan sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong September 26, 2024.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), layon nito na pataasin pa ang kamalayan gayundin ang kahandaan ng publiko sa sandaling tumama ang malalaking sakuna gaya ng pinangangambahang “The Big One.”
Ganap na alas-8 ng umaga, isasagawa ang 3rd Quarter NSED sa Brgy. Kapitolyo sa Pasig City na inaasahang pangungunahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian.
Lalahok din dito ang mga kinatawan mula sa NDRRMC Response Cluster, Metro Manila DRRMC, mga lokal na pamahalaan sa NCR at piling LGUs mula sa Central Luzon at CALABARZON.
Dito, pagaganahin din ang Harmonized National Contingency Plan (HNCP) para sa posibleng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Greater Metro Manila at susuriin ang kahandaan ng mga ahensya sa mobilisasyon ng government resources. | ulat ni Jaymark Dagala