Mariing kinondena ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang panibagong insidente ng pagpapakita ng China ng pambu-bully at pagiging bayolente sa ating Philippine Coast Guard na nagpapatrolya sa loob mismo ng ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Nabutas ang hull ng BRP Teresa Magbanua matapos banggain ng China Coast Guard noong August 31 sa may Escoda Shoal.
Giit ni Barbers, bagamat nagpapakita ng maximum tolerance ang ating Coast Guard ay kailangan tumindig ang Pilipinas laban sa ginagawa ng China sa ating mga tagapagbantay ng teritoryo at soberanya.
Tinuligsa rin ng mambabatas ang paulit-ulit na pagsisinungaling ng China na ang Pilipinas ang bumangga sa kanilang barko gayong may mga video na magpapakitang kabaliktaran ang nangyari.
Pinuna rin niya ang patuloy na pag-angkin ng China sa halos lahat ng vital waterways sa WPS sa kabila ng mga claims dito ng ating ibang kalapit na bansa at kahit pa mayroon nang international court ruling na wala silang legal basis dito.
“The Filipino’s hatred against China on their harassments, bullying and violence against our PCG sailors is continuously rising. And many of our neighbors from Southeast Asia and other countries are feeling the same way. I just hope it won’t hit the boiling point,” saad niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes