Tatlo ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring pagguho ng lupa sa Daang Pari, Sitio Hinapao, Antipolo City, Rizal kaninang umaga.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Alex Garcia ang BPSO Team Leader ng Barangay San Jose, bandang alas-6:30 ng umaga naiulat sa kanila ang nangyaring landslide.
Pagresponde sa lugar, nakuha ang katawan ng mga biktima na magkapatid na lalaki na kinilalang sina Lee Bragado, 12 taong gulang at Lester Bragado, 15 taong gulang. Pati na rin ang isang buntis na kinilalang si Miguela Baranda, 27 taong gulang.
Ibinahagi pa ni Garcia ngayong araw sana manganganak ang babaeng biktima.
Ayon pa kay Garcia, tanging ang bahay lamang ng mga biktima ang napuruhan at natabunan ng gumuhong lupa. Habang dalawang bahay ang nadamay din pero wala namang naiulat na nasaktan.
Sa ngayon naka-kordon ang lugar at hindi madaanan ang bahaging ito ng Sitio Hanapao.
Inilikas na rin ang iba pang residente sa lugar upang matiyak din ang kanilang kaligtasan. | ulat ni Diane Lear