Itinalaga ng Lungsod ng Maynila ang tatlong evacuation centers upang bigyan ng pansamantalang tirahan ang halos 1,000 pamilya na naapektuhan ng malaking sunog na tumupok sa isang residential area kahapon, September 14 sa Tondo, Maynila.
Matatagpuan ang mga evacuation center sa covered courts ng Barangay 105 at 106, pati na rin sa Vicente Lim Elementary School sa Vitas, Tondo. Ayon kay Mayor Honey Lacuna-Pangan, agaran ang kanilang pagbibigay ng tulong, kabilang ang pamamahagi ng pagkain, tubig, at pansamantalang matutuluyan sa mga residente.
Sa Vicente Lim Elementary School, katuwang si Vice Mayor Yul Servo Nieto, nagsasagawa sila ng pagpaparehistro ng family card upang matiyak ang pantay-pantay na pamamahagi ng tulong. Namimigay din ang pamahalaan ng partition tents para sa pansamantalang tuluyan ng mga apektadong pamilya.
Dagdag pa ni Mayor Lacuna-Pangan, hinihintay nila ang resulta ng imbestigasyon ng fire forensics team sa pinangyarihan ng sunog at ang mga rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang masigurong hindi na maulit ang ganitong mga insidente.| ulat ni EJ Lazaro