Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na totoo ang tinaguriang “Angels of Death” na siyang nagsisilbing Private Army ni Kingdom of Jesus Christ Leader, Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo kasunod ng mariing pagtanggi rito ng kampo ni Quiboloy.
Una rito, sinabi ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Quiboloy na kung totoo ang sinasabing Private Army ng Pastor ay dapat lumantad na ito sa kasagsagan ng operasyon sa KOJC compound at nakipagpalitan na ng putok sa mga pulis.
Paliwanag naman ni Fajardo, kaya nila itinuturing na Private Army ang “Angels of Death” ay dahil kay Quiboloy lamang umano sila tumatanggap ng utos na takutin at pagbantaan ang mga menor de edad na biktima ng pang-aabuso.
Sa katunayan pa nga ani Fajardo ay tukoy na nila ang ilan sa mga miyembro ng naturang grupo at inihahanda na rin nila ang mga kasong kanilang isasampa laban sa mga ito.
Bukod pa iyan sa pagbawi sa lisensya at permit to carry ng kanilang mga armas sa tulong ng Firearms and Explosives Office (FEO). | ulat ni Jaymark Dagala