Iniluklok bilang bagong commissioner ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
Kasunod ito ng pagkakatalaga ni dating Negros Occidental Rep. Kiko Benitez bilang TESDA Secretary.
Ani Acidre, isang karangalan na tanggapin ang responsibilidad na ito.
Batid aniya niya na mahalaga ang papel ng EDCOM 2 sa pagtiyak na ang ating edukasyon ay makasabay sa nagbabagong panahon para na rin sa kinabukasan ng mga mag-aaral.
Sabi pa ng mambabatas na matagal na niyang adbokasiya ang edukasyon.
Patunay dito ang ilan sa mga panukala na kaniyang inihain gaya ng Local Universities and Colleges Governance Act; Equitable Access to Math and Science Education Act; Geographically Isolated Disadvantaged Conflict-Inflicted Areas and All Roads to All Learners Act; at State Universities and Colleges Mental Health Service Act.
Giit pa niya na hindi lang ang pinalawig na access sa edukasyon ang paraang para ito ay mapagbuti ngunit gayundin ang paglinang sa mga skills at competencies na kinakailangan ngayong panahon.
| ulat ni Kathleen Forbes