Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na maging malinaw at bukas ang anumang paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagpapatibay ng batas para matiyak na naproprotektahan ang kapakanan at interes ng mga konsumer.
Pinunto ng senador ang inilabas na desisyon ang Korte Suprema kamakailan na nagpapatibay kautusan ng Department of Energy (DOE) na nag-aatas sa mga kompanya ng langis na i-unbundle o i-detalye ang anumang adjustment sa presyo ng produktong petrolyo, kasama na ang mga eksplanasyon at supporting documents.
Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian na mas mainam na magbalangkas ng batas para mapagtibay ang pagpapatupad ng polisiyang ito.
Una nang inihain ng senador ang Senate Bill 2081 na layong amyendahan ang Republic Act 8479, o kilala bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang DOE na obligahin ang pagsisiwalat ng aktwal na mga gastos kabilang ang import cost, freight costs, insurance, at foreign exchange costs.
Kabilang din dito ang import duties, excise taxes, value added taxes, biofuel costs at iba pang gastos kagaya ng port charges, refining costs, storage cost, handling costs, at kita ng kumpanya ng langis. | ulat ni Nimfa Asuncion