Malugod na tinanggap ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang alok na tulong ng Estados Unidos para ma-ibsan ang mga epekto ng bagyo sa Pilipinas.
Ito’y sa pakikipag-usap sa telepono ni Sec. Teodoro kay U.S. Defense Secretary Lloyd Austin, noong Setyembre 4, na ika-8 pagkakataon na mag-usap ang dalawang opisyal para talakayin ang mga kaganapang panseguridad sa rehiyon.
Dito’y sinabi ni Sec. Teodoro na makikipag-coordinate ang DND sa Estados Unidos para sa “disaster response” lalu pa’t dalawang bagyo ang inaasahang papasok sa bansa sa buwang kasalukuyan.
Matatandaang inatasan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung saan Chairman si Sec. Teodoro, na paigtingin ang paghahanda sa mga paparating na bagyo. | ulat ni Leo Sarne