Wala nang bisa ang inihaing urgent motion ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na maibalik sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y makaraang maglabas ang Pasig City Regional Trial Court Branch 167 ng paglilinaw sa nauna nitong desisyon na pumipigil sa paglilipat kay Guo sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, ito’y dahil sa nailipat na si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory bago pa man lumabas ang naturang kautusan.
Kahapon, inilipat na si Guo sa pasilidad ng BJMP kung saan, makakasama na nito sa loob ng selda ang mahigit 40 mga Person Deprived of Liberty (PDL).
Inihayag din ni BJMP Spokesperson, JSupt. Jayrex Bustinera na mananatili sa kanilang kustodiya si Guo hangga’t walang bagong utos sa kanila ang korte hinggil dito.
Una rito, nakitaan ng impeksyon ng PNP sa kaniyang kaliwang baga ang dating alkalde na sanhi umano ng kaniyang ubo at sipon subalit lumabas naman sa resulta ng pagsusuri ng BJMP na negatibo ito sa Tuberculosis. | ulat ni Jaymark Dagala