Naharang sa pagpasok pa ng bansa ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mga sinasabing kush o high-grade marijuana na nagkakahalaga ng mahigit sa ₱6.8 milyon.
Sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, nasamsam ng BOC ang 4,877 gramo ng kush at pitong vape cartridges na may lamang cannabis oil sa Central Mail Exchange Center sa Lungsod ng Pasay matapos madiskubre sa masusing pagsusuri ng mga parcel.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga ipinagbabawal na droga habang kahaharapin naman ng mga consignee ang patong-patong na mga kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Customs Modernization and Tariff Act.
Muling pinagtibay ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang kanilang dedikasyon sa paglaban sa ilegal na droga, kasabay ng BOC-NAIA na mas pinatatag pa ang kanilang pagsisikap upang protektahan ang bansa kontra illegal drug trafficking. | ulat ni EJ Lazaro