Tiyak na ang pondo para sa tuloy-tuloy na pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka sa nalalabing bahagi ng taon.
Ito’y matapos na ma-secure ng Department of Agriculture (DA) ang natitirang ₱9 na bilyong pondo para sa palay procurement.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., makatutulong ang pondong ito para patuloy na masuportahan ang mga magsasaka sa panahon ng tag-ulan, kung kailan karaniwang bumababa ang presyo ng palay dahil sa pagdami ng ani at limitadong drying facilities.
Sinabi ng kalihim na ilalabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa pamamagitan ng installment sa huling tatlong buwan ng taon. “The NFA will have enough funds to support rice farmers through the wet season, which is critical for their livelihoods during this challenging period.”
Ayon naman kay NFA Administrator Larry Lacson, sa tulong ng pondong ito, makabibili ang NFA ng 7.2 milyong sako ng palay sa halagang ₱25 per kilo. “This volume aligns well with the NFA’s wet season palay procurement target of 6.4 million to 8.7 million bags,” dagdag pa ni Lacson.
Kasunod nito, muli namang tiniyak ni Sec. Tiu Laurel na hindi malulugi ang mga magsasaka kahit nagkaroon ng adjustment sa buying price ang NFA. “Even at this adjusted price, farmers will continue to benefit from their hard work, especially given the improved price range we implemented earlier this year,” pagtitiyak ng kalihim. | ulat ni Merry Ann Bastasa