Handa na ang 13,136 integrated personnel na ide-deploy sa mga sementeryo at iba pang lugar ng pagtitipon sa Davao City para sa Undas 2024.
Ito ang inihayag ni Davao City Public Safety and Security Office (PSSO) Head Angel Sumagaysay sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps Media Briefing sa The Royal Mandaya Hotel.
Ayon kay Sumagaysay, ang nasabing bilang ay kinabibilangan ng mga kapulisan mula sa Davao City Police Office, kasundaluhan ng Task Force Davao, City Civil Security Office, City Transport and Traffic Management Office, City Environment and Natural Resources Office, City Social Welfare and Development Office, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Central 911, at iba pa.
Kahapon isinagawa ang send-off ceremony sa loob ng DCPO Parade Grounds at sinimulan na itong ipakalat sa mga sementeryo simula ngayong araw at magtatapos ito sa November 3, 2024.
Nakalatag na rin ang mga guidelines para sa mga bibisita sa sementeryo at maging sa mga vendors sa labas nito.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na sundin ang lahat ng mga regulasyon na ipinatupad upang maiwasan ang anumang aberya sa pagpasok sa mga sementeryo. | ulat ni Armando Fenequito | RP1 Davao