Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 17 Chinese nationals na sangkot sa scamming activities sa isang resort sa Tagaytay City.
Iprinesenta sa media ni NBI Director Jaime B. Santiago ang mga suspek ngayong araw (October 17).
Ayon kay Santiago, natunton ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) ang mga suspek sa La Casa Rabina, Tagaytay City, matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang Chinese national na nagsabing iligal na ikinulong, pinahirapan, at pinilit ang kanyang kaibigan na sumali sa mga scam at money-making schemes.
Isinagawa ng NBI-CCD kasama ang NBI-Special Task Force, at NBI-Human Trafficking Division ang rescue operation noong Martes kung saan naaktuhan ang mga suspek na gumagamit ng iba’t ibang social engineering schemes at fraudulent cryptocurrency platforms.
Nakumpiska rin ang mobile phones, sim cards, at iba pang kagamitan na ginagamit sa kanilang iligal na operasyon.
Nang hingan ng pahayag ng media, umamin naman ang lider o supervisor ng Chinese nationals sa ginawang pananakit sa kanilang kasamahan.
Ang mga Chinese national ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A 11862 Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, R.A 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act, at R.A 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Diane Lear