Dalawang bagong Migrant Workers Offices (MWO) ang binuksan ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Vienna, Austria at Budapest, Hungary.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, layon ng mga bagong tanggapan na ito na masiguro ang mabilis at komprehensibong tulong para sa mga overseas Filipino worker (OFW), kabilang na ang legal, labor, medical, at welfare assistance.
Ang MWO-Vienna ay inaasahang makakapagserbisyo sa 8,000 OFWs sa Austria at 12,000 OFWs sa Croatia, Slovenia, at Slovakia.
Samantala, ang MWO-Budapest naman ay makakapagserbisyo sa mahigit 5,000 OFWs sa Bosnia at Herzegovina, Bulgaria, Romania, Serbia, Moldova, at Montenegro, kasama na ang tinatayang 12,000 OFWs sa Hungary.
Sa kabuaan, umabot sa 41 ang bilang ng mga MWO sa iba’t ibang bansa.
Plano rin ng DMW na magbukas ng dalawa pang MWO ngayong taon sa Bangkok, Thailand at Agana, Guam. | ulat ni Diane Lear