Ibinida ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco ang lumalakas na ugnayan ng turismo sa pagitan ng Pilipinas at Australia kung saan sa huling tala ng ahensya ay pumalo na sa halos 200,000 Australianong turista ang bumisita sa bansa hanggang nitong Oktubre 7, 2024.
Ito ang naging laman ng pahayag ng Tourism Chief matapos mag-host ang Philippine Department of Tourism (DOT) ng “Love the Philippines: Tourism and Travel Forum” sa Perth, Western Australia, kasabay ng 24th World Travel & Tourism Council (WTTC) Global Summit.
Dito ibinahagi rin ng kalihim, na tinatayang umaabot sa 62% ng mga bisita mula Australia ay mga repeat tourists at tumatagal sa bansa ng halos 13 gabi upang galugarin ang mga isla ng bansa at matikman ang mga pagkaing Pinoy.
Itinuturing na ang mga turista galing sa Australia ang ikalimang pinakamalaking pinagmumulan ng mga bisita sa Pilipinas, batay sa taya ng DOT.
Isinagawa naman ang nasabing forum sa Perth, kasama ang Australia Philippines Business Council na may layuning mapalakas ang turismo, mapalawak ang ugnayang pangnegosyo, at pagsuporta sa mga umuuwing OFW sa Pilipinas upang makapagsimula ng tourism-related enterprise sa bansa.| ulat ni EJ Lazaro