Muling susubok sa politika si Wilson Amad, isang labor organizer at tagapagtanggol ng mga Lumad, sa pamamagitan ng paghahain ng kanyang certificate of candidacy (COC) bilang independent na kandidato sa pagka-senador sa 2025 elections.
Si Amad ay idineklarang nuisance candidate ng COMELEC noong 2022 nang tumakbo siya bilang bise presidente, ngunit isang Temporary Restraining Order (TRO) ang inilabas ng Supreme Court laban sa naturang desisyon.
Sa kanyang plataporma, isinusulong ni Amad ang anti-political dynasty bill, pag-aalis ng mga middlemen sa merkado para pababain ang presyo ng mga bilihin, pagtaas ng pensyon ng mga retirado, at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga mamamayan. Ayon sa kanya, nadagdagan pa ang kanyang mga taga-suporta matapos siyang ideklarang nuisance candidate noong nakaraang halalan.
Maliban kay Amad, ilang kilalang personalidad na rin ang naghain ng kanilang kandidatura para sa 2025 elections ngayong araw. Kinabibilangan ito nina “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” bet at incumbent Rep. Erwin Tulfo sa ilalim ng Lakas-CMD, dating Comelec Commissioner Atty. Rowena Guanzon bilang first nominee ng P3PWD party-list, at dating NTF-ELCAC Spokesperson Dr. Lorraine Badoy bilang second nominee naman ng Epanaw Sambayanan party-list.| ulat ni EJ Lazaro