Inilunsad ngayong araw ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ang “Bakuna Eskwela.”
Isa itong kampanya ng pagbabakuna na naglalayong protektahan ang mga batang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan laban sa tigdas, rubella, tetanus, diphtheria (MR, Td), at human papillomavirus (HPV) na sanhi ng cervical cancer.
Target ng Bakuna Eskwela na mabakunahan ang mahigit 3.8 milyong mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7 ng MR at TD vaccines, at halos isang milyong babaeng mag-aaral sa Grade 4 ng HPV vaccine.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, mayroong nakalaang P853 milyong para sa programang ito na ipatutupad sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa hanggang Nobyembre ngayong taon.
Sinabi naman ni Education Secretary Sonny Angara, na welcome sa kanila ang ganitong mga inisyatibo upang matiyak ang physical at mental na kalagayan ng mga mag-aaral.
Batay sa datos ng DOH mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, nakapagtala sila ng mahigit 3,000 na kaso ng tigdas at rubella, 215 kaso ng diptheria, at 81 kaso ng neonatal tetanus.
Habang nakapagtala rin ng 11 nasawi dahil sa tigdas at rubella, 25 sa diptheria, at 44 naman sa neonatal tetanus. | ulat ni Diane Lear